from
http://www.freewebs.com/pi100/the_subversive.htm
Rizal: The "subversive"
Jose Ma. Sison
"Madali tayong napagharian ng kolonyalistang Espanyol dahil sa kawalan ng pambansang kamulatan, ayon kay Dr. Jose Rizal. Una, umiiral ang pagkamakasarili ng lumang katutubong naghaharing uri, ang mga raha at datu, at ang kanilang mapagkompromisong aktitude sa mga dayuhang mananakop...Ikalawa, kailangan pang pataasin ng mga mamamayan mismo ang kanilang kolektibong kamulatan mula sa antas at balangkas ng pag-iisip na nalinang sa mga baranggay...Ikatlo, marahas na sinupil ang lahat ng indio sa pamamagitan ng espada ng mga kongkistador at sa pamamagitan ng mapanghikayat na paraan ng nagkukunwaring mapagpakumbaba at mabait na mga misyonero" --Jose Maria Sison, Makibaka para sa pambansang demokrasya.
Sa sanaysay na ito binigyan diin ni Prof. Jose Maria Sison, isa sa mga nanguna sa muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas-Marxismo,Leninismo at Maoismo (PKP-MLM) at kasalukuyang pangunahing tagapayo ng Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas(NDFP), ang dalawa sa mga mahahalagang yugto ng buhay ni Rizal. Una niyang binigyan ng pagpapaliwag ang intelektuwal na pag-unlad ni Rizal at pangalawa, ang mga aktibidad ni Rizal na nagtulak para bansagan siya ng Pamahalaang Espnyol, noong panahon niya, na Filibustero o "subersibo", sa terminong ginamit ni Prof. Sison, dahil sa mga sinulat niyang akda tulad ng Noli Me Tangere, El Filibusterismo, The Indolence of the Filipinos , at iba pa.
Si Dr Jose Rizal ang pinaka-abante sa mga nabibilang sa panggitnang saray ng lipunan noong panahong iyon. Sa proseso ng pag-unlad ng mangilan-ngilang prinsipalya sa pilipinas, nabigyan ng pag-kakataon ang iilang mga may-kaya para makapag-aral, samantalang malaking bayagi ng mamamayang pilipino, na karamihan ay salat sa pera at estado sa lipunan, ang napagkakaitan ng ganitong prebilihiyo at iniaabuso pa ng pamahalaan. Pinaunlad ng Espanya ang kanyang estado sa daigdig sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga mamamayan ng kanyang kolonya na nagtutulak naman sa mga pinagsasamantalahan na mag-aklas at lumaban sa kanila. Kung susuriing mabuti ang kasalukuyang sitwasyon, makatwiran ang paghahalintulad ni prof. Sison sa pagsasamantalang ginagawa ng Imperyalistang US sa mga mahihirap na bansa at ang pagsupil nito sa mga naghahangad ng pambansang demokrasya at sosyalismo sa panunupil na ginawa ng kolonyalistang espanya noon.
Bilang isa sa mga naliliwanagang bahagi ng panggitnag-uri, madaling natutunan ni Rizal ang liberal ng pag- iisip na nagpaunlad ng kanyang nasyonalismo. Para kay Rizal, mararamdaman lamang ng isang individwal ang kanyang kalayaan kung ang kabuuan ng bansa lalo na ang masa ay malaya na rin. At kung hindi ito kayang tugunan ng Espanya ay dapat lamang na humiwalay na dito ang Pilipinas. Sa ganitong ideya binansagan si Rizal na Filibustero. Katulad din niya, ang mga makabayan ng kasalukuyang panahon ay binabansagan naman na subersibo.
Naranasan at nakita ni Rizal ang mga pagsasamantala ng mga kolonyalista sa masa. Ilan lang dito ang pangangamkam ng lupa at pagpapataw ng mataas na renta o buwis sa mga magsasaka. At kahit ang mga nabibilang sa panggitnang uri ay hindi rin nakaligtas sa pag-aabusong ito tulad ng pag-aabusong ginawa sa kaniyang ina, ang ginawang pangangamkam sa kanilang lupain at ang pagbitay sa tatlong paring martir.
Mahusay namang naisiwalat ni Rizal sa kanyang mga akda tulad ng tula at nobela,ang realidad ng lipunan pilipino noong panahong iyon na nagtulak sa mga pilipino na mag-alsa at lumaban sa kanyang mapang-aping pamahalaan. Sa kanyang akda tulad The Indolence of the Filipinos, at anotasyon sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Morga, Nilabanan niya ang discriminasyon sa mga Filipino at binaluktot ang paratang ng mga prayle na tamad ang kanyang mga kababayan. Sa kanyang dalawang nobela naman -Fili at Noli, isiniwalat niya at inilarawan ang kalunos-lunos na kalagayan ng Pilipinas sa kamay ng pamahalaang dinidigtahan ng Simbahang Katoliko. Sa paglalahad niyang ito sa kanyang nobela, humihingi siya nga solusyon sa sakit ng lipunan niya.
Ang kanyang pagmamahal sa kanyang bayan na makikita sa kanyang mga akda ang naging mitsa ng kanyang pagkakabitay sa Bagumbayan.Subalit hindi doon nagtapos ang esensiya ng kanyang mga ginawa. Ilang buwan pala lang ang nakakalipas matapos ang kanyang pagkamatay, sumiklab na ang Rebolusyong Pilipino, rebolusyong bunga ng kanyang mga akda at sulatin, rebolusyong tumupok sa Kolonyalistang Espanya.
No comments:
Post a Comment